Monday, July 12, 2010

ECFA paper

Buod


Ang Economic Cooperation Framework Agreement o ECFA ay isang polisiyang pangkakalakalan na isinakatuparan sa pagitan ng bansang Tsina at Taiwan. Ito ay ang pagbukas ng malayang kalakalan (free trade) sa pagitan ng dalawang bansa. Ang mga unang hakbang ng ECFA para maisakatuparan ito ay ang pagkakaroon ng karagdagang transportasyong panghimpapawid at pandagat sa pamamagitan ng “direct air/ sea links” na tinatawag nila. Palalaguin ang turismo at makikilahok din ang mga negosyante sa kabilang bansa sa pamamagitan ng foreign direct investments. Ipapatupad din ang unti-unting pagbawas ng taripa sa mga produktong kinalakal. Sa pangkalahatan, ang ECFA ay nagpapatibay sa ungayang Tsina at Taiwan, nakakabawas ng political sensitivity sa mga kinauukulan nito, at pinalalago ang kalakalan at pangangapital.


Pagmumuni


Isa sa mga epekto ng ECFA sa Taiwan ay ang patuloy ng pagpasok ng mumurahing produkto mula Tsina patungo sa Taiwan (mas mababa ang productions costs sa Tsina). Dahil dito mapipilitan ang mga local na pabrika sa Taiwan na bawasan o ihinto ang produksyon ng mga nasasabihing bilihing ito. Ang mga di-kalakihang industriya sa Taiwan ay maaapektuhan lalo na ang mga pagawaan ng tuwalya, damit, tela, at ceramics, at mapipilitang magsara, na magpapataas sa mataas nang unemployment rate sa Taiwan.


Kabilang ang Taiwan sa mga bansang pinagtatrabahuhan ng ating overseas contract workers. Tinatayang kalahating milyon ng ating kababayan ang nagtatrabaho doon. Kuwarenta porsyento (nasa mga 200 libo) ay tinatawag na family workers, na nagtatrabaho bilang caregiver para sa tumatandang populasyon o di kaya ay yaya para sa mga anak ng nagtatrabahong uri. Ang natirang 300 libo ay nagtatrabaho sa mga pabrika. Sa pagsasabatas ng ECFA, sila ay kasama sa maaapektuhan ng pagsara ng mga maliliit na pabrika sa Taiwan. Kailangan nilang maghanap ng ibang trabaho para may panggastos para sa kanilang pamilya.


Maari nating sabihin na ang ECFA ay parang isang wake-up call para sa atin. Sa pagsabatas ng ECFA, 300 libong pamilya, o tinatayang 1.8 milyong indibidwal ang maaapektuhan sa minamatang paghina ng produksyon sa mga pabrika sa Taiwan. Ito ay nagsisilbing isang subtil (subtle) na paalala na dapat ay hindi tayo umaasa sa mga trabaho sa ibang bansa dahil maari ito mawala agad. Kailangan natin suriin ang mga polisiya ng mga pagawaan dito at tukuyin ang dahilan para sa maramihang pag-alis ng ating mga manggagawa; at ayusin natin ang mga polisiya para hindi na nila kailangan mangibang-bayan para makipagsapalaran sa mga trabahong may mas mataas na sweldo ngunit walang kasiguraduhan kung gaano ka tatagal.

0 comments: